![]() |
Filipino crowd in Korea |
Paano nga ba ang buhay ng mga OFW sa Korea?
Kung pagbabasehan ang mga selfies ng bawat pinoy sa Korea na pinopost sa Facebook, pwedeng Masaya. Bongga. Magarbo. Maginhawa.
Meron din nag lulungkot-lungkutan, may nahohomesick, at napapagod.
Bilang OFW dito sa Korea sa mahigit na dalawang taon, marami na din akong nalalaman tungkol sa pamumuhay ng mga Pinoy dito. Humigit Kumulang 50,000 na ang mga pinoy na nandito at malaking bahagi sa bilang na iyan ay mga mangagawang pinoy na kadalasan ay nagtratrabaho bilang factory workers. Sa dami na ng pinoy dito, nagkakaroon ng panibagong kultura na naadopt na rin ng bawat isa.
Pero ano nga ba ang pagkakaiba ng mga OFWs sa Korea bukod sa mas pogi at magaganda sila kumpara sa ibang OFWs na nasa ibang bansa.
Eto ay ilan lamang sa aking obserbasyon na maaring trademark na rin ng mga mangagawang pinoy dito sa Korea.
1. OFW ka sa Korea Kung…….. iba ang ibig sabihin ng salitang ARTISTA sayo.
Ano ano nga ba ang katangian ng artista sa Pinas? Top 3:
• Laging hinahabol ng mga fans
• magaling umarte
• maraming pera
May sariling bersyon din ng artista ang mga Pinoy dito sa Korea.
• Laging hinahabol ng….. immigration.
• Magaling din silang umarte na kunyare ay pasimple lang yon pala ay kabado na kapag nasa labas ng bahay.
• At “maraming pera”? , sa tagal ba naman nilang nagtratrabaho dito sa Korea ewan ko lang kung hindi pa mayaman ang mga iyan, in the contrary, kung marami na silang pera eh di sana hindi na rin sila nag artista.
Malamang sa pagkakataong ito, alam nyo na kung ano ang ibig sabihin ng artista sa mga OFW dito sa Korea. Sila po ay ang version ng “Tago Ng Tago” ng mga pinoy dito. Mga undocumented pinoy workers na talaga namang sobrang dami na. Pero hindi naman natin sila masisisi kung mas pinili nilang maging ARTISTA dito sa Korea.
2. OFW ka sa Korea Kung….. mahilig ka magbigay ng “code name” sa ibang lahi kapag pinaguusapan base sa kanilang katangian.
Ang kagandahan dito sa Korea, pwedeng pag usapan ang katrabahong ibang lahi sa harap nya mismo ng hindi nya malalaman at hindi maooffend. Teka lang, magandang pag uugali ba yan? Haha… pero aminin mo naman, for sure nagawa mo na iyan kahit minsan lang.
Halimbawa, si katrabahong Vietnamese pwedeng tawaging “pusa” bilang parang pusa naman silang magsalita. O di kaya ang katrabahong Uzbek na medyo may edad na pwedeng tawaging “Tanda” o “tatang”. Meron din “pandak”, “tangkad”, “taba” o di kaya “pangit” para sa sobrang pangit na katrabaho.
May mas malala pa dyan, ang pag usapan ang sajangnim. Marahil minsan mo na natawag ang sajang mo na “Panot” o di kaya “bugok”, yong iba naman “Korikong” at kung ano ano pa. Pero syempre, hindi mo yan pwedeng gawin sa kapwa pinoy dahil baka sabon ang aabutin mo. Subukan mo tawaging “Uling” ang kasama mong hindi kaputian.
3. OFW ka sa Korea kung…. Mahilig ka magpicture at ipost sa Facebook
Ilang beses ko na bang narinig ang mga komentong ang mga Pinoy daw sa Korea ang pinakamahilig magpicture kumpara sa ibang OFW sa ibang bansa.
Karangalan ba yan? Haha
Kakain sa restaurant……. Picture!!!
May pinoy na nagbakasyon galing pinas…. Picture!!!!
Napadaan sa palengke…. Picture!!!!
Bago ang bus na sinakyan…. Picture!!!
May cherry blossom…. Picture!!!
May pabonus na spam si sajangnim…. Picture!!!
Umulan ng snow…..Picture!!!
Eh kung umulan kaya ng apoy? May magpipicture pa kaya? O halimbawa aatakihin na ng nuclear weapon ng North Korea ang South Korea, magpapapicture pa din kaya ang pinoy? Gawing background ang nangyayaring gyera!!!
Bawat kilos, kelangan may picture at kelangan post sa Facebook. Pero ayos lang yan, picturan mo kahit ano, wag ka lang magselfie.
Meron talagang nagseselfie, kunyare lungkot lungkutan, ipopost sa Facebook, sampung selfie, iisang anggulo, at lalagyan ng caption “#NoFilter”.
Meron din nagseselfie, kelangan yong talagang fresh na fresh ang mukha at maganda ang palo ng ilaw, tapos ipopost sa Facebook with a caption “My Haggard look, I feel so pangit”. So anong point mo?
Pero syempre, kanya kanyang trip lang yan. Hayaan na lang natin.
4. OFW ka sa Korea kung…. Pag uwi mo ng pinas, halos lahat ng laman ng bag mo ay gadgets
Pag ang OFW galling sa Korea uuwi ng Pinas, madalang ka lang makakakita na sa sobrang dilaw ng mga nagkikintabang gold sa katawan ay mukhang may Hepa na. Hindi masyadong nahihilig sa mga gold na alahas ang mga pinoy ditto. Kaya naman pag umuwi yan, hindi makikitaan ng alahas sa katawan. Kung meron man, iyon ay iilan lang at hindi masyadong lantad katulad ng mga OFW na galing Saudi. Pero huwag ka, buksan ang bag, malamang makikita mo dyan, 5 smarthpones, 3 tablet at 2 laptop. Oo, sobrang mahilig ang mga pinoy dito sa gadgets. Dahil afford nila makabili ng mga gadgets, yong iba bumibili ng maramihan para pampasalubong sa kapamilya, kaibigan at kapitbahay sa Pinas. Bongga!
5. OFW ka sa Korea kung….. nagkaroon ka ng kaibigan o kakilalang Kapampangan
Oo, sobrang dami ng mga kapampangan dito. Wala akong data kung ilan sila dito pero basta alam ko, marami. Bilang laking Mindanao ako, minsan man ay hindi ko naranasang makipagkilala o makpagkaibigan sa Kapampangan. Pero nang makarating ako dito sa Korea, hindi mo maiwasang makakilala ng kahit isang Kapampangan lang. I mean, they’re almost everywhere. Pero isa lang masasabi ko, masarap magluto ang mga Kapampangan… at…. sige na nga, mabait din…yong iba, medyo hindi naman kabaitan… pero ok naman sila, hindi nga lang masyadong maintindihan ang kanilang dialect.
6. OFW ka sa Korea kung…. Alam mo ang lugar na Hyehwa
Ito na marahil ang maliit na bersyon ng Pinas sa Korea, ang Hyehwa-dong. Isang lugar sa Seoul na kung saan nagkakaroon ng Filipino Flea market every Sunday. Kung namimiss mo ang mga pagkaing pinoy, o di kaya ang makisalamuha sa maraming Pilipino at makapagattend ng Filipino mass, eto ang lugar na dapat mong alamin at puntahan. Naging lugar din ito para sa pagkikita ng mga kaibigan at dating mga kasamahan. Dito rin madalas nagpapadala ng remittance ang mga Pinoy tuwing araw ng sahod.
7. OFW ka sa Korea kung…. Mas una mo pa nakabisado ang Korean money kaysa sa “annyong haseyo” at “Chal mogeutsumnida”
Talagang ang bilis ng mga pinoy pagdating sa usapang pera. Dapat alam mo na kung magkano ang Man Won, O Man Won o di kaya ay Baek Man Won. Para naman sa talagang hirap na hirap sa pagpapamilyar sa pera ng Korea, ginagamit nilang basehan ang kulay. Kaya pag sinabing, 3 green, ibig sabihin nun 3 Man Won. O diba, may initiative na matuto.
Marami pa marahil ang mga palatandaan na isa kang OFW sa Korea pero sa ngayon, ito lang muna ang aking maibabahagi. Pero isa lang ang siguradong sigurado talaga ako. OFW ka sa Korea kung ikaw ang tinitingalang bayani ng iyong kapamilya, isang karangalan na higit pa sa pagiging SAJANGNIM.